MANILA – Nagsanib pwersa sina Vice President Leni Robredo at Manila City Mayor Isko Moreno sa paglulunsad ng drive thru na COVID-19 vaccination site sa lungsod.
Nitong Martes nang buksan ng Office of the Vice President (OVP) ang “Vaccine Express” sa bahagi ng Cultural Center of the Philippines. Layunin ng inisyatibo na maturukan ng COVID-19 vaccine ang mga tricycle at pedicab drivers, at delivery riders na residente ng Maynila.
“Gusto po nating ilapit at mas maging accessible iyong pagbabakuna doon sa mga, iyong mga economic frontliners. Kadalasan kasi iyong iba sinasabi wala silang panahon, busy sila naghahanapbuhay. So ito, kinuwenta natin na iyong paglatag nito sinisiguro natin na sandaling-sandali lang sila. Iyong hindi masyadong istorbo. So iyon iyong tinake into consideration natin,” ani Robredo.
Ang programa ay nilunsad ng OVP sa pakikipagtulungan sa tanggapan ng Manila local government unit.
Katuwang din ng opisina ni Robredo ang ilang partner nito mula sa pribadong sektor.
Ayon kay VP Leni, bukas ang kanyang tanggapan na makipagtulungan sa iba pang LGU na nais magbukas ng drive thru vaccination site.
LOOK: The Office of the Vice President launched "Vaccine Express," a drive-thru COVID-19 vaccination site at CCP Complex.
— Christian Yosores (@chrisyosores) June 22, 2021
The initiative eyes to inoculate tricycle, pedicab, and delivery riders of Manila City until tomorrow, June 23. | @BomboRadyoNews (📸 VP Leni Robredo, FB) pic.twitter.com/N2uxYbSrCo
“So iyong pinakatulong lang po namin dito, kami iyong nag-provide ng mga vaccinators, kami iyong nag-provide ng lahat na staff, kami iyong nag-provide ng buses, nag-ayos dito, pero iyong supply, galing talaga sa LGU Manila. And natutuwa po kami na pareho iyong aming purpose na ilapit iyong bakuna to as many people as possible.”
Sa ngayon, may ilang LGU’s na rin daw na nagpaabot ng request sa OVP para magkaroon din sila ng Vaccine Express.
Ang problema lang ayon kay Robredo, naka-depende sa supply ng lokal na pamahalaan ang paglulunsad ng inisyatibo sa isang lugar.
Tatagal hanggang June 23, Miyerkules, ang Vaccine Express ng OVP sa lungsod ng Maynila.