Tiniyak ng pamunuan ng PNP Administrative Support for Covid-19 Task Force (ASCOTF) na sapat ang kanilang vaccine supply para doon sa mga hindi pa nabakunahan na mga personnel.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP, The Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi wala na silang natanggap na dagdag na vaccine supply mula sa Department of Health (DOH) subalit siniguro nito na may sapat silang supply para duon sa mga personnel na ayaw pa rin magpa bakuna.
Sinabi ni Vera Cruz, sumampa na sa 97.54% o nasa 217,089 police personnel na ang nabakunahan mula sa kabuuang 222,560 police force nationwide, as of October 8,2021.
“Wala na additional vaccines na dumating Anne pero we have enough na para sa mga unvaccinated namin,” mensahe ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sa ngayon nasa 184,359 na sa kanilang personnel ang fully vaccinated habang nasa 32,730 ang nabakunahan ng first dose.
Sinabi ng heneral na patuloy nilang hinihimok ang nasa 5,471 personnel na ayaw pa rin magpa bakuna dahil mainam pa rin na may proteksiyon laban sa nakamamatay na virus.
Sa datos ng PNP Health Service, ang mga personnel na nakakumpleto ng kanilang bakuna at naturukan ng ibat ibang vaccine brand ay ang mga sumusunod: Sinovac vaccine ay nasa 75,812; Astrazeneca – 50,437; Sputnik-V – 11,144; Pfizer-7,632; Moderna- 3,939; Janssen – 35, 271 at Sinopharm – 124.
Ang mga naturukan naman ng first dose ng ibat-ibang vaccine brand: Sinovac- 11,257; Astrazeneca-15,384; Sputnik V – 2,784; Pfizer 1,730; Moderna – 1,494 at Sinopharm – 81.