Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na inilipat ng assignment si Vice Admiral Alberto Carlos sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Chief of Staff sa General Headquarters ng Hukbong Sandatahan.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang ambush interview ngayong araw sa tanggapan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Paliwanag ni Col. Padilla, ang reassignment ni VADM Carlos ay dahil sa kaniyang inihaing prolonged leave.
Mahalaga kasi aniya ang posisyong nabakante nito bilang pinuno ng AFP Western Command dahilan kung bakit kailangang magtalaga agad ng taong papalit sa kaniya.
Giit ng tagapagsalita, normal lang ang pagpapatupad ng reassignment sa hanay ng Hukbong Sandatahan at hindi aniya ito nangangahulugan ng kaparusahan.
Kung maaalala, una nang napaulat na noong Mayo 6, 2024 ay naghain ng personal leave si Carlos matapos na makaladkad ang kaniyang pangalan sa ipinalabas na new model agreement ng Chinese Embassy in Manila sa Ayungin shoal.
Dahil dito ay itinalaga bilang bagong commander ng AFP Western Command si Rear Admiral Alfonso Torres Jr. bilang bahagi ng administrative decision ng liderato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na bahagi anila ng ongoing changes sa leadership at key positions ng buong hanay ng kasundaluhan.