Tuluyan nang pinalitan sa puwesto bilang commander ng Armed Forces of the Philippines Western Command si Vice Admiral Alberto Carlos Jr.
Ito ang kinumpirma mismo ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kaniyang naging talumpati sa harap ng mga tauhan ng Philippine Navy na naka-deploy sa Pag-asa Island.
Ayon sa kalihim, epektibo mula Mayo 7, 2024 ay opisyal nang nanungkulan bilang acting commander ng AFP Western Command si Rear Adm. Alfonso Torres Jr. matapos na maghain ng personal leave si Carlos.
Samantala, sa isang mensahe na ipinadala sa Bombo Radyo Philippines ay sinabi naman ni AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad na ang pagpapalit sa liderato ng Western Command ay walang kinalaman sa pinalutang na new model agreement ng Chinese Embassy in Manila.
Aniya, bahagi ito ng ongoing changes sa leadership at key positions sa loob ng hanay ng buong kasundaluhan na mahalaga para sa kanilang institusyon upang makiangkop at makatugon sa nagbabagong security environment ng bansa.
Kaugnay nito ay nagpahayag din ng buong suporta AFP kay Rear Adm. Torres bilang acting commander ng WESCOM na isang kritikal na tungkulin na nangangailangan ng isang maasahan at may kakayahang pinuno.
Matatandaan na una rito ay nakaladkad ang pangalan ni Vice Adm. Carlos sa isyu ng model agreement kaugnay sa Ayungin shoal matapos na sabihin ng Embahada ng China sa Maynila na siya ang nakapulong ng isang Chinese diplomat ukol dito.
Naglabas din umano ng mga transcipt at recording ang naturang embahada hinggil sa umano’y phonecall conversation ng dalawa bagay na mariing kinondena ng mga opisyal ng Pilipinas.
Kasabay nito ay sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na madali lamang mapeke ang transcript at recording sa pamamagitan ng deepfake.
Habang sinabi ni Defense Sec. Teodoro na kung sakaling totoo man ito ay malaking paglabag ito sa Anti-wiretapping Law ng Republika ng Pilipinas.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs ukol dito.