-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kinundina ni Malinao Mayor Josephine Equiña ang nag-viral na Valentine’s Day promo ng isang samgyupsal restaurant sa kanilang bayan dahil sa hayagang pambabastos sa mga kababaihan.

Ginawa ng alkalde ang pahayag matapos ulanin ng mga negatibong reaksyon ang naturang promo na nag-viral sa social media na diumano’y pag-yurak sa dangal ng mga babae.

Kasabay ng agarang pag-delete ng pamunuan ng restaurant sa nasabing post ay nagpalabas sila ng public apology.

Subalit huli na ang lahat dahil marami na ang naka- screenshot at mabilis na kumalat.

Sinabi pa ni Mayor Equiña na matapos makarating sa kanila ang naturang isyu ay agad na nag-imbestiga si P/Capt. Christian John Nalangan, OIC chief of police ng Malinao Municipal Police Station.

Nakalagay sa kontrobersiyal na post na magbibigay sila ng diskwento sa kanilang samgyupsal ng hanggang 100% depende sa size ng ari ng babaeng customer.

Batay pa sa mechanics, pagbabasehan nito ang updated na printed o digital na larawan ng maselang bahagi ng katawan na ipapakita sa kanilang staff na babae o maari rin ang on-the-spot na inspeksyon.

Sinasabing kinopya lamang ng establisimento ang naturang ideya para sa kanilang Valentine’s Day promo.

Sa kabilang daku, sinabi pa ni Mayor Equiña na pinag-aaralan na nila kung ano ang maaring pananagutan o penalidad ng naturang establisimento.

Ikinalungkot rin ng alkalde ang pangyayari dahil legal at patok umano ang restaurant na dinadayo sa kanilang bayan.

Aminado aniya ang ina ng may-ari ng establisimento sa kanilang kasalanan.

Humingi rin sila ng paumanhin sa mga nasaktan sa pangyayari at ipinasigurong hindi na mauulit.

Sinasabing dumaranas ng mental problem ang 24-anyos na may-ari ng restaurant.