-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Bina-validate na umano ng Department of Agriculture (DA)-Bicol ang mga inihaing damage report ng mga munisipyo at lalawigan kaugnay ng nararanasang tagtuyot o El Niño.

Nabatid na kahit marami ang irrigated areas, may mga lugar na nagpaabot na rin ukol sa pagbaba ng lebel ng tubig sa kanilang water resources.

Paliwanag ni DA Bicol information officer Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroon silang database na hawak upang makita kung tugma ang idineklarang pinsala sa agricultural crops sa una nang inilahad na mga nakatanim sa land area.

Aminado ang opisyal na mayroong ilan na nagpapasa ng mataas na halaga ng nawala sa kanilang damage report na iba sa tala na nasa database ng ahensya.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit P711 million na ang kabuuang pinsala mula sa apat na lalawigan sa rehiyon sa tala ng DA Bicol noong Abril 1.

Sa kabilang dako, inako naman ng opisyal na pahirapan din ang pagsasagawa ng cloud-seeding operations sa ilang bahagi ng rehiyon lalo na sa manipis na mga ulap.

Masasayang lamang aniya ang malaking gastos kung hindi naman maging “feasible” ang inaasahang epekto.