LEGAZPI CITY – Muling nagpaliwanag ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa isa pang validation na gagawin sa darating na Disyembre kaugnay ng road clearing operations.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DILG Bicol Director Atty. Anthony Nuyda, titingnan kung mapanatili ng highly-compliant local government units (LGU) ang lagay o bumuti na rin ang clearing sa low compliant na lugar sa pagtanggal ng mga harang sa mga kalsada, sidewalks at illegal parking.
Aminado ang opisyal na mahirap na ma-sustain ang hakbang subalit aprubado naman ang “substantial compliance” kahit hindi 100% na cleared sa obstructions.
Mas maigi na aniyang mabantayan na hindi na talaga bumalik ang mga iligal na umo-okupa sa pampublikong kalsada.
Kinalampag naman ni Nuyda ang hakbang ng mga barangay mula sa primary hanggang sa tertiary roads.
Samantala, posibleng maging quarterly na rin umano ang isasagawang validation sa pagsunod ng nasabing direktiba.