-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tuluyang dumulog sa police station ang magkapatid na babaeng Yanson makaraang hindi pinapasok sa main office ng Yanson Group of Bus Companies sa Barangay Mansilingan, Bacolod City.

Kaninang tanghali, pumunta sa Bacolod Police Station 7 sina Emily at Ma. Celina Yanson-Lopez mula sa main office upang mag-report sana sa trabaho.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Emily, girlfriend ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, nauna itong dumating sa main office bandang alas-10:20 ng umaga ngunit hindi ito pinapasok ng guwardya.

Pasado alas-11:00 ng tanghali, dumating si Ma. Celina Yanson-Lopez ngunit pinigil din ito alinsunod umano sa utos ng kanilang bunso na si Leo Rey na siyang umuupong presidente ng Yanson Group of Bus Companies ngunit kinudeta ng faction ng dalawang babae noong Hulyo 7.

Si Emily ay ang corporate secretary at pinuno ng administrative section ng Vallacar Transit Inc., habang si Celina naman ang finance officer ng kompanya.

Ayon kay Emily, kailangan ng kompanya ang kanilang serbisyo dahil may mga papeles na sila ang signatory.

Ngunit sinabi umano ng mga guwardiya na hindi suot ng magkapatid ang bagong ID ng kompanya kaya pinigil silang makapasok.

Giit ng mga ito, walang dapat pumigil sa kanila dahil may-ari rin sila ng kompanya.

Maliban sa magkapatid, hindi rin daw nakapasok sa trabaho sa main office ang mahigit 600 na empleyado na sumusuporta sa faction ng apat na magkapatid na kinabibilangan ng isa pang presidente na si Roy Yanson.

Panawagan nina Emily at Celina kay Leo Rey at sa kanilang ina na si Olivia Villaflores Yanson, huwag sanang idamay ang mga empleyado sa kanilang away.

Sa kabila nito, hindi sinubukan ng dalawa na tumawag kay Leo Rey upang magtanong kung bakit hindi sila pinapasok.