ILOILO CITY – Magpupulong ang Vallacar Transit Incorporated kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa pagbalik na ng mga biyahe patungo sa mga probinsiya sa Western Visayas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ms. Jade Seballos, tagapagsalita ng Vallacar Transit, sinabi nito na pag-uusapan pa nila ng LTFRB ang mga ilalatag na alituntunin sa pagbukas ng ruta mula Sta. Rosa Integrated Terminal sa Laguna at bibiyahe patungo sa Kalibo at Malay sa Aklan, San Jose Antique, Roxas City, Estancia at Miag-ao sa Iloilo Province at Iloilo City at vice-versa.
Ayon kay Seballos, kumpleto na ang kanilang mga dokumento at handa na sila sa pagbalik sa byahe kasama ang iba pang mga busses.
Nilinaw naman nito na susundin nila ang kautusan ng LTFRB na hindi sila magpapatupad ng taas singil sa pasahe.