Pormal ng nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang VAT Digital Services bill na magbibigay otoridad sa pamahalaan upang magpataw ng value added tax sa mga digital services.
Matapos lagdaan ng Pangulo, isa ng ganap na batas ang VAT on digital services ang House Bill No. 4122.
Ibig sabihin, bubuwisan na ang mga digital services gaya ng ginagawang pagpapataw sa mga tinaguriang traditional business gaya ng restaurants, retail stores at kahalintulad na negosyo.
Saklaw ng VAT on digital services ang Netflix, Google , pati ang market place.
Sa bisa ng gagawing pagpapatupad ng nasabing batas ay inaasahang makakakuha ang gobyerno dito ng revenue na aabot sa P7.25 bilyong sa 2025, nasa P21.37 billion sa 2026 at P22. 81 billion sa 2027 at P24.42 billion pesos sa 2028 habang 26.27 billion sa 2029.
Ang batas na ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang mga serbisyo tulad ng mga online search engine, online marketplaces, cloud services, online media at advertising, online platform at digital goods.
Itinuturing na isa sa mga prayoridad na hakbang ng Administrasyong Marcos, ang Batas na ito ay naglalayong tugunan ang mga pagkalugi sa kita dahil sa mga ambiguities sa umiiral na batas tungkol sa pagbubuwis ng mga transaksyon sa e-commerce.
Partikular na target nito ang mga dayuhang kumpanyang hindi nakabase sa bansa na patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa mga mamimili na Pilipino.