-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nauwi sa amicable settlement ang malagim na road crashed na unang ikinasawi ng limang miyembro ng pamilya sa kahabaan ng Barangay Gimangpang,Initao,Misamis Oriental.

Ito ay matapos nagkasundo ang mga kaanak ng mga nasawing biktima at pamunuan ng kompanya ng wing van driver na magtutulungan na lang dahil malinaw na isang hindi inaasahan na aksidente ang nangyari kahapon ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Initao Municipal Police Station chief investigator Corporal Ricky Alagon na mismong motorsiklo ng hindi pinangalan na padre de pamilya ng mga biktima ang nag-overtake sa sinundan na isa pang sasakyan mula Cagayan de Oro City papasok ng Iligan City dahilan na nagkabanggaat nag-resulta ng grabeng impact ng aksidente.

Salaysay umano ng driver na taga- Cagaya de Oro City na biglang sumulpot ang motorsiklo sa kanyang harapan kaya hindi na nakayanan nito na maka-iwas pa upang wala sanang mga buhay na nasawi.

Dead on the spot ang mga biktima na kinabilangan ng mag-asawa at tatlong pawang mga menor de edad na mga anak.

Magugunitang mabilis ang takbo ng mga biktima pabalik sa Iligan City mula sa pagdalo ng isang family party sa bayan ng Alubijid,Misamis Oriental nang maganap ang kalunos-lunos na banggaan.

Sa ngayon, nasa Iligan City na ang mga labi ng mga biktima habang kasalukuyang pino-proseso na ang settlement upang makalabas na rin ang van driver na boluntaryong nagpa-kustodiya sa pulisya pagkatapos ng pangyayari.