CAUAYAN CITY – Nabawi sa Cauayan City ang isang mamahaling sasakyan na ninakaw sa Silang, Cavite noong Hunyo 2021.
Ang Toyota GL Grandia na kulay puti at pag-aari ni Mary Buenafe ng Silang Cavite ay naharang sa Anti-Carnapping Operation ng PNP Highway Patrol Group sa daan sa tapat ng kanilang tanggapan sa Tagaran, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Rey Sales, provincial officer ng PNP-HPG Isabela, sinabi niya napeke ang mga dokumento ng sasakyan na hawak na possessor nito na residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Lumabas sa kanilang database ng mga carnapped na sasakyan sa bansa na ang Toyota GL Grandia ay nawala sa Silang, Cavite noong June 20, 2021.
Nakipag-ugnayan ang PNP-HPG Isabela sa orihinal na may-ari ng sasakyan at nabatid nila na wala pa sa kanya ang mga dokumento dahil binabayaran pa niya ito sa bangko.
Ayon kay PMaj Sales, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang taga-Isabela na nakabili sa sasakyan ay biktima ng tao na nagbenta sa kanya dahil pineke ang mga dokumento ng sasakyan.