CAUAYAN CITY- Narekober ang isang kinarnap na van sa Bauco, Mountain Province.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Gregorio Sanchez, ang Team Leader ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) Isabela, sinabi niya na ang sasakyang narekober ay tinangay noongFebruary 7, 2022 sa isang buy and sell shop sa Brgy. San Andres, Santiago City.
Aniya ang suspek ay isang walk in buyer na nakipagkasundo sa caretaker ng naturang shop na si Ginoong Eduardo Co na bibilhin nito ang Hi-Ace Van sa halagang 930,000 pesos.
Sinabi umano ng suspek na kailangan muna niyang maitest drive ang sasakyan bago niya bayaran kaya sinamahan siya ng biktima para sa pagtest drive.
Nang makarating sila sa bahagi ng Brgy. Raniag, Ramon Isabela ay tinutukan umano ng baril ng suspek si Co at pinababa sa sasakyan saka ito tinangay patungo sa hilagang direksyon.
Agad na tumawag ang may ari ng shop sa tanggapan ng HPG Isabela upang ipabatid ang insidente.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kasapi ng HPG at inalerto ang mga posibleng daraanan ng suspek pangunahin na sa bayan ng Cabatuan at iba pang kalapit na bayan.
Napag alaman na ang ninakaw na sasakyan ay patungo sa Mountain Province kaya kanilang inalerto ang Provincial Highway Patrol Team at mga Police Station sa nasabing lalawigan upang mahuli ang suspek.
Agad ding nagtungo ang mga kasapi ng HPG Isabela sa nasabing lugar at sa koordinasyon ng pulisya sa Mountain Province ay natagpuan ang ninakaw na sasakyan.
Napag alaman na walang kinuhang ID o anumang pagkakakilanlan ang mga biktima sa suspek kaya hindi nila mabatid kung ano ang pangalan nito at kung taga saan.
Ayon sa caretaker madali lamang nilang mamukhaan ang suspek lalo at may kuha rin ang CCTV Camera sa kanilang shop.
Sa kasalukuyan ay patuloy na pinaghahanap ng HPG Isabela ang pinaghihinalaan habang ang ninakaw na sasakyan ay kasalukuyang nasa kanilang tanggapan para sa kaukulang disposisyon bago maibalik sa may ari.