-- Advertisements --

Sinimulan ng ilatag ang malawakang security plan sa Vatican sa Roma kasabay ng pagtungo ng mga royal, presidente mula sa iba’t ibang mga bansa at daan-libong mga Katoliko para sa libing ni Pope Francis sa araw ng Sabado, Abril 26.

Nagsimula na ring magsidatingan ang mga Cardinal na makikibahagi sa seremoniya at sa conclave para sa pagpili ng susunod na Santo Papa.

Ayon sa isang miyembro ng Swiss Guard, nakaalerto na sila simula pa noong Lunes, Abril 21 na mismong araw ng pagkamatay ni Pope Francis.

Inaasahan naman na magtatagal ng ilang linggo ang ipapatupad na lockdown sa Vatican.

Naka-standby na rin ang fighter jets at naka-deploy na ang special police sniper units sa mga rooftop ng mga gusali sa may Via della Conciliazione, ang malawak na venue patungong St Peter’s Square na nasa tapat ng St. Peter’s Basilica kung saan nakalagak ang labi ni Pope Francis.

Ipinatupad na rin ang 24 oras na no-fly zone sa Roma.

Samantala, ilan sa mga political VIPs na dadalo sa funeral ni Pope Francis ay sina US President Donald Trump, French President Emmanuel Macron, Ukraine President Volodymyr Zelensky, Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva at Argentine president Javier Milei at sina Philippine President Ferdinand Marcos Jr. kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Inaasahang present din sa funeral ang mga hari ng Belgium at Spain gayundin si Prince William ng Britain.

Sa kabuuan, inaasahang nasa pagitan ng 150 at 170 delegasyon ang dadalo sa libing ng Santo Papa at lahat ay mangangailangan ng police escort.

Naglagay na rin ang Italian police ng checkpoint sa palibot ng Vatican.

Ang mga pilgrims naman na papasok sa St. Peter’s ay kailangang dumaan sa airport-style security checks, isasalang din ang kanilang mga gamit sa X-ray scanners habang magsasagawa naman ng spot checks ang kapulisan sa lugar.

Magpapakalat din ang Civil Protection Agency ng Italy ng nasa 2000 hanggang 2,500 volunteers para ma-supervise ang mga mananampalatayang papasok sa St.Peter’s Square para magbigay ng kanilang huling pagpupugay o dumalo sa libing ng namayapang Santo Papa.