-- Advertisements --

Sinang-ayunan at sinuportahan ni vaccine expert panel chairperson Dr. Nina Gloriani ang naging babala ng World Health Organization (WHO) sa posibleng muling pag-usbong ng panibagong surge ng COVID-19 sa bansa pagkatapos ng panahon ng eleksyon.

Ayon kay Gloriani, ito raw kasi ang mga pagkakataon na magtitipon-tipon ang mga tao kung saan ay hindi maiiwasan na may makasalamuha ang mga ito ng ibang tao na carrier ng virus.

Bukod dito ay nagpahayag din siya ng pangamba hinggil sa bumababang bilang ng bakunahan sa bansa sa kabila ng tuluy-tuloy na kampanya ng pamahalaan ukol dito.

Kaya naman iba’t ibang paraan at estratehiya na ang ginagawa ng gobyerno upang mahikayat pa ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.

Muli rin na ipinaalala ni Gloriani ang kahalagahan ng kumpletong bakuna at booster shot o third dose vaccine bilang dagdag na proteksyon lalo ngayong may mga napapabalita pang mga bagong variant ng nasabing sakit ang kumakalat sa iba’t ibang panig ng mundo.

Patuloy na din na pinaalalahanan ang lahat na mahigpit na sumunod sa mga ipinatutupad na public health standard bilang ibayong pag-iingat laban lalo na ngayong mas lumuluwag pa ang mga ipinatutupad na restriksyon sa bansa.