LEGAZPI CITY — Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) Bicol na maihahatid bago mag-alas 6:00 ng gabi ang mga SD card na kinailangang palitan sa polling precincts sa lalawigan ng Masbate.
Napag-alaman na 11 ang sirang SD card, dalawa rito ay mula sa nasabing lalawigan, isa sa Camarines Norte, at ang ilan ay mula naman sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Comelec Bicol Dir. Atty. Noli Pipo, nag-request ang opisina ng asistensya sa Philippine Navy at Philippine Air Force para upang madala ang pamalit na SD cards bago matapos ang botohan.
Ayon kay Pipo, dapat mabasa ngayong araw din ang mga boto at at mai-transmit ang resulta.
Tiniyak naman ng director na kahit pumalya ang Vote Counting Machine (VCM), tuloy-tuloy pa rin ang botohan at ang Board of Election Inspectors (BEIs) na lamang ang magpapasok ng balota sa makina.
Upang maiwasan ang kontrobersiya, inabisuhan umano nito ang poll watchers na huwag munang umalis sa presinto hanggang sa maimprenta ang election returns.
Maaari rin umanong samahan ng watchers ang electoral boards para sa manual uploading ng SD cards kung hindi pa makapag-transmit.
Dagdag pa ni Pipo na upang walang mangyaring intriga, sinamahan ng Philippine National Police (PNP) personnel ang DepEd Supervising Official (DESO) sa paghahatid ng SD cards.