-- Advertisements --
VCO coconut PCA
VCO coconut graphics (photo from PCA)

CAUAYAN CITY – Nagpakita umano ng magandang resulta ang virgin coconut oil (VCO) na kamakailan lamang ay isinailalim sa clinical trial bilang food supplement sa COVID-19 patients.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña, sa mga nabigyan ng VCO sa Sta. Rosa Community Hosiptal sa Laguna ay tuluyang gumaling pagkatapos ng 18 araw habang ang mga hindi naman nabigyan ng VCO ay mayroon pang hindi masyadong nakarekober pagkatapos ng 23 araw.

Bagamat limang araw lamang ang pagitan ng paggaling ng mga isinailalim sa clinical trial ay mahalaga pa ring mas mabilis na gumaling ang nabigyan ng VCO.

Ayon sa kalihim, ang mga isinailalim sa clinical trial ng VCO ay mga suspect at probable cases ng COVID-19.

Sa Huwebes, December 3, 2020 ay magkakaroon sila ng virtual presser para maihayag ang detalye at resulta ng naturang clinical trial.

Kaugnay nito, ang mga isinailalim naman sa clinical trial na kabilang sa severe at moderate cases ng COVID-19 sa Philippine General Hospital (PGH) ay kasalukuyan pa ring nagpapatuloy.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na rin ang pagsasagawa ng clinical trial sa mga may comorbidities.