-- Advertisements --
PCHRD4
IMAGE | Dr. Montoya’s presentation/Screengrab, DOH

MANILA – Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) na patuloy pang pinag-aaralan ng ahensya ang bisa ng virgin coconut oil (VCO) at melatonin laban sa COVID-19.

Parehong rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang VCO bilang food supplement, at melatonin bilang sleep-aid supplement o pampatulog.

“Pwede namang inumin, kaya lang para inumin at sabihin na iniinom para sa COVID-19, wala pang sapat na ebidensya para diyan,” ani Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD).

“Wala pang ebidensya that it is really helpful o beneficial for COVID-19.”

Noong nakaraang taon nang simulan ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang pag-aaral sa virgin coconut oil bilang adjunct supplement ng suspect at probable cases sa Sta. Rosa, Laguna.

Lumabas sa pag-aaral na nakatulong ang VCO para mapabuti ang lagay ng mga pinag-aralang pasyente.

“In September (2020), results from the invitro study of Dr. Fabian Dayrit has seen favorable results where it was concluded that VCO has indeed antiviral properties against mild COVID-19 cases.”

MONTOYAPCHRD 1
IMAGE | Dr. Jaime Montoya, DOST-PCHRD Executive Director/Screengrab, DOH

Sa ngayon may lumalakad pa raw na dalawang clinical studies para sa VCO. Ang isa ay para sa asymptomatic at mild cases na nasa quarantine facility.

“To date, the team has already screened participants, of which 15 were qualified for the study.”

Ang isang pag-aaral naman ay isinasagawa ng University of the Philippines-Manila, kung saan sinusubukan ang VCO bilang adjunct therapy sa mga pasyente sa ospital.

Mayroon ng 37 pasyenteng naka-enroll sa naturang VCO study project.

“Titingnan yung possible mechanism of action… para maintindihan hindi lang yung antiviral, kundi yung immunoregulatory. May epektibo ba siya sa antibodies, cytokine na umaakyat o bumababa depende sa improvement or worsen ng mga may COVID-19.”

Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng Science department ang melatonin bilang “adjuvant treatment” sa mga pasyente ng coronavirus na nangangailangang ma-admit sa ospital.

Mayroon na raw 42 participants na naka-enroll sa pag-aaral, as of April 15, ayon sa ahensya.