-- Advertisements --

DOST VCO IMELDA AGDEPPA
IMAGE | Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, VCO study project leader/Screengrab, DOST-FNRI

MANILA – Lumabas sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na epektibo bilang adjunct supplement o dagdag na sangkap sa pagkain ng mga pasyenteng suspect at probable sa COVID-19 ang virgin coconut oil (VCO).

Ayon sa DOST, kapansin-pansin ang pagbuti ng lagay ng clinical trial participants mula ikalawa hangang ika-18 araw ng paggamit nila sa VCO supplement.

“Symptoms in the VCO group significantly declined in day two and no more symptoms were observed in day 18. Compared to the controlled group that showed improvement in day 3 and no symptoms only in day 23,” ani Science Sec. Fortunato dela Pena.

DOST VCO1
IMAGE | DOST presentation

Halos 60 pasyente ng Sta. Rose Community Hospital sa Laguna ang sumali sa trial na tumagal ng 28-araw. Ang kalahati sa kanila ay nakatanggap ng 0.6-mililleters o tatlong kutsara ng VCO kada araw, habang ang kalahati ay nakatanggap ng placebo.

Hindi ikinonsidera ng pag-aaral ang mga pasyenteng may history na ng komplikasyon sa puso, mataas na cholesterol, walang sintomas at mga buntis.

Ayon sa Ateneo faculty at miyembro ng research team na si Dr. Fabian Dayrit, ginamit nilang batayan sa pagiging epektibo ng VCO ang C Reactive Protein (CRP) sa dugo ng mga pasyente.

Kung bumaba raw ng 5-milligrams ang CRP sa dugo, ibig sabihin ay gumaling sa impeksyon ang pasyente.

“Ito yung marker na mas mababa doon ay evidence na wala kang inflammation at malinaw doon sa result nila na bumaba talaga ang CRP levels ng mga kumuha ng VCO. Yung mga hindi kumuha ay hindi gaanong bumaba, nag-stabilize lang sya,” ani Dr. Fabian.

DOST VCO FABIAN DAYRIT
IMAGE | Dr. Fabian Dayrit, member, VCO study team/Screengrab, DOST-FNRI

Nilinaw ng DOST experts na hindi pa maituturing na treatment o gamot ang VCO dahil kailangan pa ng masinsinang pag-aaral tungkol sa bisa nito.

Sinabi ng project leader na si Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, na maaga pa rin para irekomenda nilang masama sa standard care ng COVID-19 cases ang VCO.

Sa ngayon, nakikita pa lang daw nila ito bilang epektibong prophylaxis sa mga pasyente ng coronavirus na mababa ang viral load, tulad ng mga probable at suspect.

“Its very difficult to say that we can claim, but actually its a functional food, means it can add up better results if its given to other medications or medicines.”

Bukod sa Laguna, nagpahayag na rin daw ng interes ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela para makapagsagawa rin ng VCO trials sa kanilang lugar.

Pati na ang ilang bansa na miyembro ng International Coconut Community, kung saan kasali ang Pilipinas, ay interesado rin sa resulta ng ginawang pag-aaral.

Pinayuhan naman ng Philippine Coconut Administration (PCA) ang publiko dahil sa posibilidad na dumugin ang mga pamilihin para sa supply ng virgin coconut oil.

“Actually ang hahanapin natin ay yung FDA seal or approval ng mga produkto para masiguro na pumasa sa regulation,” ani PCA administrator Benjamin Madrigal, Jr.