Umangat ng 6.1% ang vehicle sales o bentahan ng mga sasakyan noong buwan ng Hulyo batay sa datus ng Chamber of Automotive Manufacturers of the PhilippinesInc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA).
Kabilang sa mga nakitaan ng mabilis na paglago ay ang mga passenger car at mga commercial vehicle.
Sa mga passenger car, naitala ang hanggang sa 10,923 units sa naturang buwan at tumaas ng 14.9% kumpara sa nakalipas na taon na umabot lamang sa 9,509 units.
Para sa commercial vehicle, umabot sa 28,408 units ang naibenta kumpara sa 27,577 units noong nakalipas na taon sa kaparehong panahon.
Ayon sa CAMPI, maaaring naka-enganyo sa mga konsyumer ang mga bagong produktong inilabas, bagong design, at mga bagong modelo.
Samantala, sa unang pitong buwan ng 2024, umabot na sa 265,610 units ang naibentang mga sasakyan sa Pilipinas.
Mas mataas ito kumpara sa 239,501 units na naibenta noong nakalipas na taon.