Tapos na umano ang girian sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco hinggil sa speakership post sa Kamara.
Kinumpirma sa Bombo Radyo ng isa sa mga kongresistang kasama sa pulong sa Malacañang na simula Oktubre 4 ay si Velasco na ang uupo bilang bagong lider ng Kamara.
Kamakailan lang ay umikot pa sa Kamara ang manifesto of support para kay Cayetano, kung saan mahigit 200 kongresista ang lumagda rito.
Mababatid na sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cayetano ay binigyan ng 15 buwan para maupo bilang lider ng Kamara at papalitan naman ni Velasco para sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.
Nauna nang iginiit ng Kampo ni Cayetano na hindi dapat magkaroon nang pagbabago sa liderato ng Kamara dahil sa COVID-19 pandemic.
Si Velasco, 42, na isa ring abogado ay ang kasalukuyang chairman ng House Committee on Energy at chairman ng Oversight Committee on Solid Waste Management Act.
Noong hindi pa siya congressman, nagsilbi rin siyang presidente ng Integrated Bar of the Philippines ng Marinduque at naging provincial administrator sa ilalim ni dating Gov. Jose Antonio Carrion.
Si Rep. Velasyo ay panganay ni Marinduque Gov. Presbitero Velasco, na isang retired associate justice ng Supreme Court.