Pinayuhan ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kumalma lang pagdating sa usapin hinggil sa term-sharing.
Iginiit ni Cayetano na gagalangin naman niya ang kasunduan nila ni Velasco at wala naman aniyang usapan na hindi ito masusunod.
“I mean hindi mo maalis sa ating mga kongresista na masaya sa mga reforms, na napasa ‘yung budget within a month, na institutional (amendments) ‘yung ating unang tinignan (sa budget), ‘yung record attendance…,” ani Cayetano.
Sa ngayon, habang hindi pa naman aniya natatapos ang kanyang termino bilang Speaker, sinabi ni Cayetano na dapat ibuhos muna sa ngayon ni Velasco ang oras nito sa paghahanda para sa naturang posisyon.
Nauna nang sinabi ni Velasco sa ambush interview sa Kamara na kumpiyansa siyang masusunod ang “15-21” term-sharing deal na kanilang nabuo ni Cayetano bago ang 18th Congress.
Ganito rin ang iginiit ni Cayetano kahit pa sinabi nito sa isang panayam nitong araw na mas nais niyang manatili bilang lider ng Kamara sa loob ng tatlong taon, at hindi na bumaba pa rito makalipas ang 15 buwan.
Ayon kay Cayetano, hindi naman siya hipokrito para sabihin na hindi niya gusto na manatili na lang bilang lider ng Kamara hanggang sa matapos ang 18th Congress.
“Tinanong lang naman ako, na ano’ng tingin ko… Kahit naman baliktarin mo ‘yung tanong kay Cong. Velasco mo itanong, ‘would you have rather na hindi ka 21 months, would you have rather na three years ka’, ang sagot din niya ‘yes’,” ani Cayetano.