-- Advertisements --

Umaasa si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na tatalima si Speaker Alan Peter Cayetano sa kanilang term-sharing agreement sa pinakamataas na posisyon sa Kamara kahit pa hindi ito hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos na sabihin ni Pangulong Duterte noong Sabado na ang term-sharing deal sa pagitan nina Cayetano at Velasco ay dapat na masunod.

Iginiit ni Velasco na kahit hindi naman sinabi ni Pangulong Duterte ang tungkol dito ay mayroon na rin naman talaga silang kasunduan na ni Cayetano.

Ayon sa kongresista, sa ngayon ay mas nakatuon ang kanyang atensyon sa trabaho bilang chairman ng House Committee on Energy.

Iniiwasan daw muna niya sa ngayon na pag-usapan ang speakership dahil nais niyang bigyan si Cayetano ng “free reign” sa Kamara.

Kaya sa ngayon naghihintay lamang aniya siya na matapos ang 15 buwan, at sa pagsisimula ng kanyang assumption bilang susunod na Speaker of the House.

Magugunita na sa ilalim ng kasunduan nina Duterte at ng dalawang kongresista, unang uupo si Cayetano bilang Speaker ng Kamara at susundan ni Velasco pagkatapos ng 15 buwan.