-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mabilis na napuno ang listahan ng mga nais makadaupang-palad si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, sa kanyang nalalapit na state visit sa Singapore, sa Setyembre 6-7, 2022.

Sinabi ni Bombo international correspondent Zion Paras, direkta sa Singapore, na ipinaskil sa embahada ng Pilipinas na kailangang magparehistro upang makasama sa 1,700 na Filipino community na makakausap ng Pangulong Marcos sa National University of Singapore.

Binuksan ang registration noong Agosto 30 na magtatapos sana sa Setyembre 4, ngunit Agosto 31 pa lang ay fully booked na ito.

Sinasabing pupunta ng palasyo ng Singapore si PBBM at makikipagpulong sa opisyal ng Singapore na pangungunahan ni President Halimah Yacob.

Naniniwala si Paras na walang problema na maipaparating ang Filipino community pagdating sa batas at pakikitungo ng mga employer sa kanilang mga OFWs, dahil maganda ang pamamalakad ng gobyerno sa nasabing bansa sa kanilang mga Pinoy.

Sinabi din nito na sana magaya ni PBBM ang pagdisiplina at kalinisan ng Singapore sa Pilipinas.