-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Aabot sa P7.5 million ang kinakailangang pondo ng Verde Soko Philippines Industrial Corporation sa pagpapabalik ng natitirang 5,000 metric tons na basura patungong South Korea.

Ito’y matapos akuin ng kompaniya sa pamamagitan ng kanilang representante na si Engr. Niel Alburo na ang Verde Soko ang siyang mangunguna sa pagpapabalik ng mga basura sa pamamagitan ng tulong ng isang local based company na nagta-transport ng mga kalakal.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sangguniang Panlalawigan board member Boboy Sabal na nangako ang Verde Soko na sila ang magbabayad sa gastos sa repacking, containerizing at pag-transport ng basura galing sa Tagoloan, Misamis Oriental patungong Mindanao International Container Terminal o MICT.

Napag-alaman na nagkasundo ang mga government officials ng Tagoloan, Misamis Oriental at ang representante ng South Korea na si Ministry of Environment Director General Jung Young-dae na e-ship out ang basura ngayong Hunyo 30.