-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) ukol sa mapanganib na epekto sa kalusugan ng artificial white sand na pini-pwesto ngayon sa Manila bay.

Kasunod ito ng pag-amin ng Malacañang na hindi purong puting buhangin ang ginagamit sa pagpapaganda ng tabing dagat ng Maynila ngayon, kundi dinurog na dolomite boulders mula Cebu.

“Sinasabi sa mga pag-aarala na kapag na-inhale natin ito, mga tao, may mga adverse reactions. Respiratory mainly,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Kapag nag-dust na siya, nag-aerosolized, it can cause respiratory effects to the person.”

Bukod sa baga, maaari rin daw maapektuhan ang gastrointestinal system o bituka ng tao kapag ito ay hindi sinasadyang makain. Posible umanong magdulot ito ng pananakit ng tiyan at pagdudumi.

“Kapag napunta sa mata, nagkakaroon ng irritation and you just have to wash it off with water.”

Sa kabila nito, naniniwala si Vergeire na dumaan naman sa masusing pag-aaral ng mga eksperto sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang proyekto bago ito inaprubahan.

Nang tanungin naman ukol sa nakalaang halos P400-milyong pondo sa proyekto, batid daw ng DOH spokesperson na bago pa pumutok ang pandemya ay plano na ito ng gobyerno.

“Sila ang makakapagsabi kung talagang, naging efficient ba ang gobyerno dito. Kapag nakita na natin yung epekto ng programang ito.”

Nauna nang dinepensahan ng DENR ang proyekto at nanindigan sa mabuting epekto nito. Sinuportahan din ito ni Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon naman kay Presidential spokesperso Harry Roque, baka makatulong sa mental health ng publiko ang pagpapaganda ng Manila bay. Pero sagot ni Vice President Leni Robredo, impraktikal ang proyekto sa gitna ng pandemic crisis.