Kinumpirma ni Sen. Bong Revilla ang pagpanaw ng kaniyang amang si dating Sen. Ramon Revilla Sr. sa edad na 93.
Sinabi ng nakababatang Revilla sa maikling video clip ang mga katagang “wala na po ang tatay ko.”
Sa naturang video rin, makikita ang nag-iiyakang mga miyembro ng kanilang pamilya habang nasa loob ng isang silid.
Ganap na alas-5:20 ng hapon nitong Biyernes nang pumanaw ang dating aktor at mambabatas.
Matatandaang si Revilla Sr. o José Acuña Bautista sa tunay na buhay ay ipinanganak noon March 8, 1927.
Maliban sa pagiging dating senador, nakilala rin siya bilang “King of Amulets (Hari ng Agimat) sa Philippine movies.
Siya ang bunso sa 10 anak ng mga negosyanteng sina Inddefonso Bautista at Andrea Acuña.
Sinasabing mayroong 72 anak si Revilla Sr., mula sa iba’t-ibang babae, pero 38 lang sa mga ito ang opisyal na nakilala at nagdala sa kaniyang apelyido.
Si Evelyn Bautista-Jaworski ang panganay ni Revilla Sr. na asawa ngayon ng PBA legend at dati ring senador na si Robert Jaworski.
Bunso naman sa maraming anak ni Revilla Sr. ay nagngangalang Abigail.
Si Azucena Mortel naman ang sinasabing pangalawang partner ni Ramon Revilla kung saan pito ang kanilang naging anak kabilang si Ramon “Bong” Revilla Jr., at Edwin “Strike” Revilla.
Siyam naman ang naging anak nito sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay kabilang sina Ram Revilla, Ma. Ramona Belen (Mara), at Ramon Joseph (RJ) Bautista.
Samantala, buhos naman ang pakikiramay ng mga kaanak, malalapit na kaibigan at fans sa pamilya Revilla.