Malabo umano na maging destinasyon ni guard JR Smith ang Los Angeles Lakers matapos na tuluyan na itong bitawan ng Cleveland Cavaliers.
Una rito, pinakawalan ng Cavs si Smith bago pa ma-guarantee ang kanyang kontrata sa susunod na season, dahilan para maging free agent na ito kapag kanya nang maayos ang mga waivers.
Sinasabi ng mga impormante, dahil sa pagpapalaya ng Cleveland kay Smith ay maluluwagan ang kanilang salary-cap space at uusog sa ilalim ng luxury tax threshold.
Mula noong Nobyembre ay nais nang i-trade si Smith sa ibang mga koponan dahil sa bahagi lamang ng kanyang $15.6-milyong sahod sa susunod na season ang tiyak nitong makukuha.
Nagkasundo na rin ang team at si Smith na palawigin pa ang kanyang guarantee date hanggang nitong Hulyo 15, ngunit bigo silang makahanap ng trade.
Umaasa ngayon si Smith na kukunin ito ng ibang team, ngunit wala naman daw problema kung hindi.
“I live a good life,” ani Smith. “There’s no reason for me to be stressed or be dissatisfied. I’ve got four amazing kids. I went through one of the toughest parts of my life with my (premature) daughter. This is easy. This is a cakewalk. Just stay in shape and stay ready to play basketball when I’m called. If I’m not called, I still get to be home with my family.”
Ang 33-year-old guard, na sumabak lamang sa 11 laro noong nakaraang season, ay isa sa mga pinakaasintadong 3-point shooter sa liga na may career 37%.