-- Advertisements --

Sumakabilang-buhay na ang beteranong TV presenter sa Amerika na si Regis Philbin sa edad na 88.

Sa anunsyo ng kanyang pamilya, binawian ng buhay si Philbin sa natural na dahilan, eksaktong isang buwan bago ang kanyang ika-89 taong kaarawan.

“His family and friends are forever grateful for the time we got to spend with him – for his warmth, his legendary sense of humor, and his singular ability to make every day into something worth talking about,” saad sa pahayag.

Nagpasalamat din ang pamilya sa lahat ng mga tagasuporta ng kanilang ama sa 60-taong karera nito sa industriya.

Humiling naman ng privacy ang mga naulilang kaanak.

Sumikat nang husto si Philbin sa Amerika noong 1988 nang maging host ito ng “Live! with Regis and Kathie Lee” kasama si Kathie Lee Gifford kung saan tumagal ng 15 taon ang kanilang tambalan.

Makaraang umalis si Gifford, naging ka-partner naman ni Philbin si Kelly Ripa sa nasabing programa noong 2001, hanggang sa nagpasya na itong umalis noong 2011.

Si Philbin din ay isa sa mga naging host ng “Who Wants to Be A Millionaire,” na tumagal mula 1999 hanggang 2002.