-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Sorsogon City Veterinary Office ang mga pet owners at pinapaalerto upang hindi mahawaan ang mga alagang aso ng parvovirus.
Ang naturang virus ay posibleng tumama at makaapekto sa puso (myocarditis) o bituka (hemorrhagic gastroentiritis) na nakamamatay sa mga tuta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinarian Dr. Alexander Destura, karaniwang tuta ang tinatamaan ng virus na naipapasa sa fecal o environmental contamination.

Kung nai-ingest, pumapasok ito at nagrereplicate sa lymphoid tissue na inaatake ang lymph nodes, bone marrows at lining ng bituka na nagdudulot ng pagdurugo sa loob ng tiyan.

Kabilang sa mga sintomas ang pananamlay at hindi pagkain ng tuta, pagsusuka, paninilaw, bloody diarrhea at sticky saliva.

Wala pa umanong partikular na gamot kontra dito na umaasa sa supportive treatment at rehydration subalit maari namang pabakunahan ang tuta kung anim na linggo na ang edad.

Samantala, pinawi naman ni Destura ang pangamba ng publiko dahil hindi naman aniya ito naipapasa sa tao.