-- Advertisements --

LAOAG CITY – Puspusan ang paghahanap ng Provincial Veterinary Office sa Batangas na puwedeng paglagyan sa mga hayop na apektado rin sa ashfall ng Taal Volcano.

Ayon kay Dr. Rommel Marasigan, provincial veterinarian ng Batangas, naghahanap sila ng mga pasilidad para sa kaligtasan ng mga alagang hayop dahil puwedeng ikamatay nila ang ashfall.

Sinabi niya na pinagpaplanuhan na nila ang ibibigay na tulong para sa mga apektadong hayop sa Batangas.

Sa ngayon ay wala pa silang datus at patuloy ang kanilang pagmonitor kung ilan na ang naitatalang apektadong alagang hayop sa lugar dahil sa ashfall ng Taal Volcano.

Sa panig ng Philippine National Police (PNP) maritime sa CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), nagsasagawa na rin sila ng rescue effort para sa mga naiwang hayop ng mga kababayan nating nagsilikas bunsod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Batangas Police Provincial Director Col. Edwin Quilates, kaninang umaga ay nailigtas ng maritime police ang isang grupo matapos ma-trap sa volcano island.

Ayon kay Quilates, ongoing ang evacuation sa mga residente kaya mahigpit pa rin sila kung saan pinapayagan lang ang ilan na mabisita ang kanilang mga bahay sa loob lang ng dalawang oras.

Kapag lagpas na ay dadamputin na sila ng mga pulis.

Ipinapatupad din ng PNP ang “check-in” at “check-out” sa sa mga residente na sumisilip sa kanilang mga bahay.

Samantala, wala pa namang naiulat na krimen o nakawan ang PNP-Batangas pero sinabi ni Quilates na kaniyang pinatitiyak ang seguridad sa mga evacuation centers. (with report from Bombo Analy Soberano)