Ipinaliwanag ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan ng kanyang pag-veto sa Security of Tenure Bill na layuning sanang palakasin ang mga karapatan ng mga manggagawa at bigyan ng paglilinaw sa pinaiiral na ban sa labor only contracting ng mga employers.
Sa kanyang veto message na ipinadala sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Duterte na bagama’t naninindigan siya sa commitment nitong protektahan ang karapatan ng mga manggagawa para sa security of tenure o laban sa hindi makatarungang pagkakatanggal sa trabaho, kailangan nitong ibalanse sa kapakanan ng mga negosyante lalo ang mga hindi naman umaabuso.
Ayon kay Pangulong Duterte, pinalalawak ng panukalang batas ang sakop at depinisyon ng ipinagbabawal na labor-only contracting kung saan isinasama sa labag sa batas ang ibang uri ng contractualization na hindi naman nakakadehado sa mga manggagawa.
Iginiit ni Pangulong Duterte na kasabay ng pagsusulong sa karapatan at interes ng mga manggagawa, dapat ding tiyaking hindi nasasagkaan o nasisira ang pamumuhunan at pamamahala ng mga negosyo at kailangang balansehin ang magkasalungat na interes ng mga manggagawa at employers.
Naniniwala si Pangulong Duterte na imbes na ikabubuti ay ikakasama pa ng mga manggagawa at ekonomiya ng bansa ang panukalang batas sa bandang huli.
Una rito, naging matindi ang pagkontra ng mga business groups at maging ni NEDA chief Ernesto Pernia sa panukalang batas.
Kabilang sa mga nanawagang i-veto ni Pangulong Duterte ang SOT Bill ang American Chamber of Commerce of the Philippines, Australian-New Zealand Chamber of Commerce, Canadian Chamber of Commerce of the Philippines, European Chamber of Commerce of the Philippines, IT and Business Process Association of the Philippines, Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines, Inc., Korean Chamber of Commerce Philippines, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters Inc., Philippine Chamber of Commerce and Industry, Semiconductor & Electronics Industries in the Philippines Inc. at Foundation for Economic Freedom.