ILOILO CITY – Sang-ayon si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay Jr. na ituloy ang termination ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Yasay, sinabi nito na nararapat lamang na wakasan na ang Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos upang maintindihan ng mga Amerikano na wala silang karapatan sa domestic affairs ng Pilipinas kahit na sila ay allied country.
Ayon kay Yasay, ang bawat bansa ay mayroong sariling batas na ipinapataw sa mga nagkasala at dapat itong respetuhin ng lahat.
Inihayag pa ni Yasay na hindi nakinig ang Estados Unidos sa payo na patunayan muna ang kanilang paratang lalong-lalo na sa usapin hinggil sa mga opisyal ng Pilipinas.
Napag-alaman na nag-ugat ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan na ang Visiting Forces Agreement matapos na pinakakansela ng US government ang visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima.