CENTRAL MINDANAO-Nagsimula nang namahagi ng transistor radios si Vice Governor Emmylou Lala Taliño-Mendoza sa mga paaralan sa probinsya ng Cotabato.
Unang nakatanggap nito ang mga eskwelahan sa bayan ng Pres. Roxas kung saan abot sa 200 transistor radios ang naipamahagi.
Kabilang sa mga nakatanggap nito ay ang mga paaralan sa Brgy. Alegria, Bato-bato, del Carmen, F. Cajelo, Idaoman at iba pa.
Sa pahayag ng bise gobernadora, malaki ang maitutulong nito sa mga paaralan na magagamit para sa radio-based instruction na isa sa mga learning modalities ngayong panahon ng pandemiya.
Kung maaalala, una nang inihayag ni VG Mendoza na mamamahagi ito ng aabot sa 3,000 units ng transistor radios kung saan ang pondong ginamit sa pagbili nito ay nagmula mismo sa personal na inisyatibo at pagsisikap ng bise gobernadora.
Samantala, nakatakda namang mamahagi pa nito si Mendoza katuwang ang Serbisyong Totoo team sa bayan ng Aleosan at sa iba pang mga bayan sa mga susunod na araw.