Nagkaharap na ang TV host-actor na si Vic Sotto at director ng kontrobersiyal na pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” na si Daryll Yap ngayong araw ng Biyernes sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.
Dumating sa korte si Yap dakong alas-8 ng umaga. Hindi muna ito nagbigay ng pahayag sa kaso dahil hindi aniya siya allowed na magsalita ukol dito.
Ilang sandali ay dumating si Sotto kasama ang kaniyang maybahay na si Pauleen Luna at kaniyang abogado bagamat hindi rin muna ito nagbigay ng pahayag nang matanong hinggil sa kaso.
Dininig ngayong araw ang writ of habeas data na ipinitesyon ng kampo ni Sotto. Ito ang unang pagkakataon na kapwa present ang 2 sa pagdinig sa korte matapos na maghain ang aktor ng 19 na bilang ng cyber libel laban kay Yap.
Matatandaang nag-ugat ang kaso matapos na ipalabas ang unang teaser ng kontrobersiyal na pelikula na hango sa buhay ng yumaong sikat na aktres noong dekada ’80 na si Pepsi Paloma o Delia DueƱas Smith sa totoong buhay.
Ipinalabas ang teaser video noong Enero 1 ng taong kasalukuyan na agad nag-viral matapos lantarang mabanggit ang pangalan ng TV host bilang umano’y humalay kay Paloma.
Kaugnay nito, hiniling ni Sotto ang pagpapalabas ng writ of habeas data noong Enero 7. Kung sakaling katigan man ito ng korte, aatasan si Yap ng korte na i-take down o kaya naman ay itama ang ilang porsiyon ng teaser na kinukwestyon ng kampo ni Sotto.
Samantala, nananatiling positibo pa rin ang director na si Daryll Yap na maipapalabas sa mga sinehan ang kaniyang pelikula na nakatakdang i-release sa Pebrero.