CENTRAL MINDANAO – Nagpahayag ng kagalakan si Cotabato Vice Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa patuloy na pagsasagawa ng Bangsamoro government ng mga infrastructure projects sa 63 barangays sa iba’t-ibang bayan ng North Cotabato.
Ito ang kanyang reaksyon sa ulat ng local government minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang abugadong si Naguib Sinarimbo, na pasisimulan na ng BARMM government ang konstruksyon ng karagdagan pang 44 na mga barangay halls sa naturang mga barangay sa susunod na ilang araw.
Ang mga residente ng naturang mga barangay ay bomoto, pabor sa panukalang mapabilang ang kanilang mga barangay sa core territory ng BARMM, sa isang plebisitong ginanap noong Pebrero 2019.
Muling siniguro ni Vice Gov. Mendoza ang kanyang suporta sa mga peace and development programs ng tanggapan ni Minister Sinarimbo at ng iba pang mga ahensiya ng BARMM na nasa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Ahod Ebrahim.
Si Chief Minister Ebrahim ay chairman ng central committee ng MILF.
Ang pagkakatatag ng BARMM na pumalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 2019 ay resulta ng dalawang dekadang peace talks ng MILF at ng Malacañang.
Sa kasalukuyan, may itinatayong barangay halls ang Ministry of the Interior and Local Government sa dalawa sa mga 63 North Cotabato barangays na sakop ng BARMM — sa Barangay Binasing at sa Lower Baguer, kapwa nasa bayan ng Pigcawayan.
Kasalukuyan din na sinesemento ng BARMM government and mga daan patungo sa naturang dalawang barangay mula sa sentro ng Pigcawayan.
Nagtutulungan ang MILG-BARMM at ang tanggapan ni Regional Public Works Minister Eduard Uy Guerra sa pagpapatupad ng mga infrastructure projects sa Barangay Binasing at sa Barangay Lower Baguer.
Layunin ng MILG at ng public works ministry ng BARMM na magkaroon na ng barangay hall ang lahat ng 63 North Cotabato barangays na sakop ng Bangsamoro region bago matapos ng taong 2021.