CAGAYAN DE ORO CITY – Isasailalim pa sa karagdagang medikasyon ang municipal mayor na tinamaan ng sniper bullet kahit dumaan na ito sa surgical operation sa ospital ng Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ang biktimang si Lopez Jaena, Misamis Occidental Mayor Michael Guiterrez ay dinala na sa isang ospital sa Maynila dahil nanatiling kritikal ang kanyang kalagayan dahil sa tama ng bala mula sa suspected snipers na unang nagtangkang ipatumba si Deputy House Speaker Henry Oaminal noong nasa kasagsagan ng kanilang Christmas party sa Barangay 7, Tangub City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office 10 (PRO-10) spokesperson Lt. Col. Michelle Olaivar na umaasa rin sila na ang kanilang tinutugis ay hindi muna pinangalanang mga personalidad ay makapagbigay kalutasan kung bakit nais ipapatay si Oaminal na tumatakbo bilang gobernador ng lalawigan.
Sinabi ni Olaivar na bagamat walang time frame na ibinigay si PRO-10 director Brig. Gen. Benjamin Acorda Jr sa pagresolba ng kaso subalit kumikilos rin ang kanilang intelligence unit ng Camp Alagar upang tulungan ang Special Investigation Task Group na tumutok sa imbestigasyon.
Dagdag ng opisyal na bagamat hindi nasaktan si Oaminal at outpatient na si dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte subalit ipinatupad sa Tangub City ang semi-lockdown upang matukoy ng maigi ang ilang personalidad na kahina-hinala ang mga galaw.
Magugunitang aminado ang PRO-10 na snipers ang nagtangka sa buhay ni Oaminal na tumira gamit ang hindi pa tukoy na high powered telescopic assault rifle sa distansya na 150 hanggang 200 metro ang layo mula sa crime scene.
Kabilang sa tinutukan ng PNP ang anggulo ng politika bagamat maingat sila na hindi nagbanggit ng sinumang personalidad habang patuloy pa ang imbestigasyon at wala pang naisampa na kaso sa piskalya.
Si Gutierrez ay ang katambal sana bilang bise-gobernador ni Oaminal habang pagka-kongresista ng unang distrito si Almonte at si Ozamiz City Mayor Ando Oaminal sa second district ng lalawigan.
Kung maalala, si Oaminal ay dating isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng kurapsyon sa mga government project habang si Almonte ay nakaladkad rin na umano’y narco-politician sa probinsiya.