Inumpisahan na ng lungsod ng Maynila ang kanilang vaccination program laban sa COVID-19 na pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Isinagawa ang ceremonial vaccination sa Sta. Ana Hospital kung saan nasa 200 medical frontliners ang kasama rin sa mga unang tinurukan ng coronavirus vaccine sa lungsod.
Hindi naman nagpabakuna si Manila Mayor Isko Moreno dahil ayon sa kanya, hindi raw ito qualified kasi hindi naman daw siya medical frontliner.
Ayon kay Moreno, nasa 1,900 mula sa 5,000 medical frontliners sa Maynila ang nagparehistro upang mabakunahan ng Sinovac vaccines.
Paglalahad pa ng alkalde, tumaas daw ang bilang ng mga nagparehistro matapos ang symbolic vaccination sa Philippine General Hospital kahapon, kung saan itinurok ang kauna-unahang COVID-19 vaccine sa bansa.
Sinabi pa ni Moreno, nakatanggap ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng 3,000 doses mula sa 600,000 na dumating sa bansa noong Linggo.
Susunod lamang din aniya sila sa utos ng Department of Health at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing prayoridad ang mga healthcare workers sa pagbabakuna.
Samantala, sinabi naman ni Lacuna na wala raw itong nararamdamang kakaiba matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.