(Update) BACOLOD CITY – Ibinunyag ng hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na supporter ng New People’s Army (NPA) ang bise alkalde ng bayan na inaresto sa checkpoint kagabi.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Bacolod, inihayag ni Chief Inspector Allan Reloj na lumalabas sa kanilang intelligence monitoring na nagbibigay umano ng logistic support sa NPA si Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo.
Katunayan aniya, ang mga baril na nakuha sa kanyang pag-iingat ay ihahatid pa sana sa komunistang grupo.
Kinumpirma ni Reloj na namamataan sa nabanggit na bayan ang mga NPA dahil maraming barangay dito ang rebel-infested area.
Nabatid na narekober ng mga pulis ang apat na .45 caliber pistol na may bala, dalawang granada, P45,000 cash, pati na rin ang dalawang sachet ng suspected shabu.
Ayon sa hepe ng pulis, sasakyan pa ng pamahalaan ang gamit na pick-up ng bise alkalde at mister na si Felix Mathias Yulo III nang maharang sa checkpoint.
Naka-impound ngayon ang sasakyan sa himpilan ng pulis.
Kaninang umaga, dinala na sa PNP Crime Laboratory ng Negros Occidental Police Provincial Office ang mag-asawa para sa documentation ng mga baril at shabu na narekober upang masampahan sila ng kaukulang kaso.