NAGA CITY – Patay ang incumbent vice mayor ng San Andress, Quezon, matapos barilin sa loob mismo ng bahay nito sa Lungsod ng Lucena.
Kinilala ang biktima na si Vice Mayor Sergio Emprese na agad namang isinugod sa ospital ngunit kinalaunan ay binawian ng buhay.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Col. Audie Madrideo, provincial director ng Police Provincial office Quezon, sinabi nitong pasado alas-8:00 kagabi nang pasukin ng isang armadong lalaki ang bahay ni Emprese.
Naabutan aniya nito ang opisyal na nakaupo sa sala habang nanunuod ng telebisyon at doon na pinaputukan.
Tinamaan ang biktima sa kanyang ulo mula sa bala mula sa caliber 45 na baril.
Ayon kay Madrideo, nakaharap pa ng anak ng opisyal ang gunman at inutusan itong huwag lumapit saka pinaputukan si Emprese.
Nabatid na si Emprese ang nanalo bilang bise alkalde sa San Andress ngunit hindi pa ito nakakaupo matapos magpalabas ng suspension order ang Ombudsman laban dito.
Kaugnay ito sa umano’y anomalyang kinasangkutan nito noong alkalde pa lamang ng naturang bayan.
Samantala, blangko pa ang mga kapulisan sa motibo sa pamamaslang.