CENTRAL MINDANAO – Naglunsad ng law enforcement operation ang pinagsanib na pwersa ng militar, CIDG-BARMM, pulisya at PDEA-ARMM sa tahanan ng dating opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Sitio Ameril, Brgy Manggay, Talitay, Maguindanao.
Nakilala ang hinuli ng mga otoridad na si Datu Unsay Maguindanao Vice-Mayor Bai Janine Ameril.
Target ng mga otoridad si Mike Sittie alyas Kumander Mike na may kinahaharap na iba’t ibang kaso at may warrant of arrest mula sa korte.
Unang pinasok ng raiding team ang tahanan ni dating ARMM Assemblyman Sidic Ameril sa Sitio Ameril, Brgy Manggay, Talitay, Maguindanao.
Natunugan daw ng mga suspek ang mga otoridad kaya bago napasok ang bahay ni Ameril ay nakatakas na ito.
Ngunit naabutan ng raiding team sa bahay ni Ameril ang kanyang maybahay na si Vice-Mayor Bai Janine at agad itong pinosasan.
Narekober sa tahanan ni Ameril ang mga matataas na uri ng armas, P200,000 halaga ng shabu at mga bala.
Sa ngayon ay nakapiit na si Ameril sa custodial facility ng PDEA-BARMM at patuloy na iniimbestigahan.