-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pormal nang tinanggap ni Shariff Aguak Maguindanao Mayor Engr Marop B. Ampatuan ang pagbibitiw ng kanyang amang si Datu Akmad Mitra Ampatuan bilang Bise Alkalde sa nabanggit na bayan.

Ang pagbibitiw ni Ampatuan ay bungsod ng kaniyang kalusugan at para na rin sa ikabubuti ng higit na nakararami.

Labis ang hinagpis ng mga mamamayan sa pagbitiw ng kanilang Vice Mayor at binalikan ang mga nakaraan noong maupo ito sa kanyang katungkulan kung saan ay nakita ang pagbabago.

Pinasalamatan naman ni Ampatuan ang kanyang mga kababayan sa tiwalang ibinigay sa loob ng kanyang panunungkulan, ang mga lider ng MILF Base Commands kung saan naging kaagapay nito sa pagpapanatili ng kapayapaan bukod sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) at iba pang mga sektor.

Samantala, umupo na bilang bagong Bise Alkalde ang unang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Shariff Aguak na si Datu Amier S. Aguak.

Inaasahan na mapanatili ang “check and balance” at magandang ugnayan ng Ehekutibo (Executive) at Legislatibo (Legislative) para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan ng Shariff Aguak.