BUTUAN CITY – Malungkot na inanunsyo ng Team Gugma at Lakas-CMD (Christian Muslim Democrats ) ang pagkawala ng kanilang mayoralty candidate sa Tagbina, Surigao del Sur na si Vice Mayor Tony Adlao.
Huli umano itong nakita noong Marso 25 ng gabi, sa unang araw ng campaign period ng local candidate.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa pulisya na hanapin ang bise alkalde at tiyakin ang kaligtasan ng mga Surigaonons.
Una nang ipinaabot sa Tagbina Municipal Police Station ang pagkawala ng vice mayor na ayon pa sa kaniyang pamangkin ay hindi na niya nakita pa ito sa farmhouse sa Purok-7 Barangay Malixi, Tagbina.
Habang natagpuan naman ang single motor na pagmamay-ari ng biktima, 300 metro ang layo sa kaniyang farmhouse kasama na ang handheld radio nito.
May lumabas na rin na alegasyon na nakatanggap umano ng banta sa buhay ang vice mayor galing sa New People’s Army matapos hiningan ng malaking halada bilang permit to campaign.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.