Negatibo ang resulta nina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid na si Reynaldo Jr., sa drug test na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.
Ayon kay P/Supt. Ramos Bergonio ng PNP Crime Lab Operations, isinailalim nila sa drug test ang magkapatid na Parojinog nang dumating ang mga ito sa Kampo Krame isang araw matapos ang nangyaring madugong raid.
Kumuha aniya sila ng urine sample sa magkapatid pero walang nakitang traces na gumamit ang mga ito ng iligal na droga o maging substance ng marijuana.
Inihayag pa ni Bergonio na lahat ng mga naarestong indibidwal na may kaugnayan sa Ozamiz raid ay kanilang isinailalim sa drug test.
Pero batay sa resulta, negatibo rin sa drug test ang 11 nahuli na nakilalang sina Lucky Lou Bending, Cristhofel Margaha, Juan Segismundo, Regie Robles, Federico Manon-og, Lolito Jamago, Marcilito Bitonio, Lolito Jamago, Nicolas Alburo, Jonard Arciaga, at Manuel Paran.
Sinabi naman ni C/Insp. Yela Apostol, chemist ng crime lab na may tsansang mag-negatibo sa drug test ang isang taong gumagamit ng iligal na droga kung mabilis ang metabolism ng mga ito.
Bagama’t nag-negatibo sa drug test, tiniyak ni PNP spokesman C/Supt. Dionardo Carlos na hindi maaapektuhan ang kasong illegal drugs at illegal possession of firearms na kinakaharap ng magkapatid na Parojinog.