Sumailalim na sa inquest proceedings sina Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr., kung saan sa loob na ng PNP Custodial Center sa Kampo Crame isinagawa ang inquest proceedings.
Mag alas-2:00 na ng hapon nitong Martes nang dumating sa Kampo Crame ang mga prosecutora mula sa Department of Justice (DOJ).
Nahaharap sa reklamong illegal posession of firearms and explosives at possession of prohibited drugs ang magkapatid na Parojinog.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng mga Parojinog, aalamin ng panel of prosecutors kung may probable cause ang reklamo.
Sa oras na may resolusyon na, dito na raw aniya sila kikilos at gagawa ng mga ligal na hakbang.
Tumagal ng mahigit isang oras ang inquest proceedings.
Iprinisinta ng CIDG ang mga umano’y nakumpiskang mga armas sa compound ng mga Parojinog noong Linggo ng madaling.
Desidido naman ang kampo ng mga Parojinog na maghain ng reklamo kaugnay naman sa umano’y paglabag sa Article 125 ng Revised Penal Code o sa reglementary period.
Giit ni Topacio, napaso na raw kasi ang 36 na oras mula nang inaresto ang magkapatid subalit hindi pa rin sila nai-inquest nitong nakalipas na Lunes.
Giit ni Topacio, magsasampa sila ng arbitrary detention laban sa mga miyembro ng CIDG Region-10 na siyang nanguna sa isinagawang raid.
Sa ngayon mananatili muna sa PNP custodial center ang magkapatid na Parojinog habang hinihintay ang resolusyon ng panel of prosecutors.