-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Nakahanda umanong makipagtulungan sa pulisya si Vice Mayor Isidro Cabaddu sa anumang imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ng kanyang tauhan sa pamamaslang sa isang kapitan ng barangay sa Camalaniugan, Cagayan.

Tiniyak ito ng bise alkalde at sinabing wala siyang alam sa ginawang pagpatay kay Chairman Eranio Caleda ng Barangay Julian Olivas Sr.

Sinabi ni Cabaddu na nagulat siya nang dumating sa kanyang bahay sa Barangay Centro Norte ang mga miyembro ng pulisya upang arestuhin ang hired killer na si Geronimo Joaquin noong madaling araw ng April 22.

Aniya, nag-apply sa kanya bilang driver/security si Joaquin noong 2019 elections at hindi rin umano niya alam na wanted ito sa Nueva Ecija at iba pang kaso nito ng pagpatay.

Paliwanag pa ng bise-alkalde, stay-in si Joaquin kung saan mayroon itong sariling kubo sa compound ng kanyang bahay ngunit hindi umano niya laging nakakasama dahil mayroon siyang sariling driver.

Samantala, sinabi ni Cabaddu na dati niyang tauhan noong nakaraang halalan lamang si Carlo Aggabao, tubong Reina Mercedes, Isabela na itinuro ni Joaquin na kasama niyang nagplano sa pagpatay sa kapitan.

Sinabi ni PCapt. Arnel Acain, hepe ng Camalaniugan-PNP na nagbigay ng kaniyang testimonya o extra-judicial confession sa harap ng abogado ng Public Attorney Office (PAO) si Joaquin na umaamin sa krimen.

Si Aggabao umano ang tumanggap sa paunang bayad na P15,000 habang ang natitira pang P15,000 ay matatanggap sana ni Joaquin kapag napatay na nila ang biktima.

Gayunman, itinanggi naman ni Aggabao ang mga paratang laban sa kanya.

Sa nagpapatuloy na imbestigasyon, nalaman din na sina Joaquin at Aggabao ang responsable sa pamamaril sa Brgy Bulala Junction, Centro Camalaniugan noong Mayo 02, 2019 na ikinasawi nina Roberto Tolento at Arjay Galapia na ikinasugat ng isang Ronald Pascua.

Sila rin ang responsable sa pagpatay kay Fredelito Ugalde Sr. ng Brgy Centro Sur, Camalanuigan noong Agosto 30, 2019.

At nitong gabi ng April 21, nakilala at nasambit ni kapitan Caleda bago siya nalagutan ng hininga ang pangalan ng bumaril sa kanya habang inaayos ang wirings ng generator set na gagamitin sa checkpoint matapos magkaroon ng power interuption.

Kahapon, sinampahan na ang dalawa ng patong-patong na kasong murder.