VIGAN CITY – Hindi na itutuloy ng isang kandidato sa pagka-bise alkalde ng bayan ng Santa, Ilocos Sur ang kaniyang kandidatura matapos itong mag-file ng kaniyang statement of withdrawal sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa nasabing bayan.
Base sa official statement na ipinalabas ni El Rey Batin, inilahad nito na matagal na umano niyang pinag-isipan ang pagbawi ng kaniyang inihaing kandidatura noong Nobyembre 29, 2018 dahil sa ilang mga rason na kaniyang ikinonsidera at ng kaniyang pamilya.
Ayon kay Batin, labis umano itong nadismaya noong malaman at makita niya na wala umanong konkretong plano para sa bayan ng Santa ang partido kung saan ito sumali kaya nagdesisyon itong huwag nang ituloy ang pagtakbo at paglaban sa kaniyang inaanak na si re-electionist Vice Mayor JJ Bueno sa darating na May 13 midterm elections.
Sinabi pa ng nasabing kandidato na nasaktan umano siya sa paggamit sa kanya ng local na liderato ng PDP-Laban sa Santa at sa mga kasamahan niya sa partido dahil sarili lamang nila ang kanilang iniisip.
Aniya, tanging gusto lamang umano ng kaniyang mga kasamahan ay mapalitan ang kasalukuyang administrasyon at hindi na maibalik pa sa puwesto si re-electionist Mayor Popoy Bueno at matupad ang kanilang personal na hangarin na makontrol ang Santa at hindi tunay na makapagsilbi sa publiko.
Kasabay ng kaniyang pag-withdraw sa nasabing posisyon ay hinimok nito ang kaniyang mga kababayan na huwag umanong paloloko sa mga kandidato na walang isang salita at sariling interes lamang ang iniisip.