CEBU CITY – Bumisita sa Cebu nitong Huwebes, Oktubre 12, si Vice President at Education Secretary Sara Duterte para daluhan ang dalawang aktibidad bilang panauhing pandangal at keynote speaker.
Kabilang sa dinaluhan ng opisyal ang pagtatapos ng National Literacy Conference 2023 kung saan nagsalita ito sa harap ng humigit-kumulang 500 kalahok mula sa Department of Education, local government units, national government agencies, at state universities and colleges mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin pa ng pangalawang pangulo ang kahalagahan ng edukasyon at literacy sa pag-unlad at paglago ng ekonomiya sa bansa.
Sa pamamagitan pa aniya ng pag-invest sa edukasyon at pagtaguyod ng literasiya, namumuhunan pa umano tayo sa para sa kinabukasan ng bansa.
Samantala, dumalo din ang Bise Presidente sa 30th National Convention of the Philippine Trial Judges League kung saan sa kanyang talumpati ay binigyang-diin nito ang isyu ng extrajudicial killing at ang umano’y kabiguan sa mabilis na pagbibigay ng hustisya.
Sinabi pa ng opisyal na ang mabilis na paghahatid ng hustisya ay nagpapanumbalik ng tiwala at pananampalataya ng publiko sa justice system ng bansa.
Hinamon naman nito ang humigit-kumulang 300 trial court judges na dumalo na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa paglalagay ng tunay na reporma sa sistema bilang mga katalista ng pagbabago.