-- Advertisements --

Sinabi ni Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na pinag-aaralan ang posibleng pagsampa ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte.

Maliban sa pangalawang pangulo, damay din ang kaniyang mga security personnel at staff.

Bunsod ito ng paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) at iba pang kasong kriminal at administratibo.

Kaugnay ito ng naging insidente sa House Detention Center at VMMC, kung saan ginamit umano ang pribadong ambulansya para sa “forced transfer” ni Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Duterte, na nakakulong sa contempt order ng Kongreso.

Tiniyak ni Marbil na magiging patas ang imbestigasyon at pagsunod sa due process para mapanagot ang sinumang lumabag sa batas.

Wala pa namang sagot dito ang kampo ni VP Duterte, na kasalukuyang nasa Mindanao.