KALIBO, Aklan—Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio ang pamamahagi ng ayuda para sa libo-libong residente na apektado ng oil spill sa Caluya, Antique.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) head Broderick Gayuna-Train, personal na bumista sa lalawigan ang bise presidente upang makita ang sitwasyon ng mga residente kung saan personal niyang ipinasakamay ang Relief for Individuals in Crisis and Emergencies (RICE) food boxes sa 1,200 na apektadong residente sa mga barangay ng Semirara, Tinogboc, Alegria, Sibolo, at Sitio Liwagao sa nasabing bayan.
Mahigit sa 7,617 na pamilya o kabuuang 25,733 na indibidwal kung saan, 450 sa mga ito ang seaweed planters at 3,649 na mangingisda ang apektado ng oil spill.
Dagdag pa ni Train, nakaantabay ang medical response team na kinabibilangan ng mga doctors at nurses upang patuloy na i-monitor ang kalusugan ng mga direktang nakalanghap ng amoy ng langis lalo na ang mga nakatira sa coastal areas.
Sa kabilang dako, nagpapasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Caluya dahil sa patuloy na pagdating ng mga tulong mula sa national at provincial government dahil tiniyak ng mga ito na walang magutuman sa mga apektadong mamamayan.
Sa kasalukuyan hay mahigit sa P9 milyon pesos na ang naitalang pinsala sa seaweeds plantation at inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw.
Nasa 500 na sako naman ng lamang dagat ang nakuha at 70 drums ng oil spill residue ang naipon sa araw-araw na clean-up drive ng pinagsanib na pwersa ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Maalalang bago pa man tumulak sa lalawigan ng Antique si VP Sara ay dumaan muna siya sa Caticlan Elementary School sa Malay, Aklan kung saan, namahagi siya ng PagbaBAGo bags na naglalaman ng school supplies at dental kits sa nasa 350 na mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3.
Kasabay din ng PagbaBAGo campaign ng Office of the Vice President ay ang mensahe ng responsible parenthood para naman sa mga magulang upang mapaghandaan nila ang kinabukasan ng kanilang anak.